Thursday, 31 October 2013

ARALIN 2: Ang may akda ng Tutubi Tutubi 'Wag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe




Si Jun Cruz Reyes (Pedro Reyes Jr.) ay ipinanganak sa Tondo, Manila noong ika-27 ng Hulyo 1974. Isa siyang manunulat ng piksyon, makata at pintor.  Anak  nila Pedro Reyes at Teofila Cruz. Nakuha niya ang kanyang Bachelor of Arts of Political Science sa University of the East at Bachelor of Science of Foreign Studies sa Lyceum of the Philippines. Nakapagturo siya sa Philippine Science High School, Unibersidad ng Pilipinas, De La Salle University at sa Polytechnic University of the Philippines. Nailimbag ni Reyes ang: Utos ng Hari at Iba pang kwento, 1981;Tutubi, Tutubi, 'wag Magpahuli sa Mamang Salbahe, 1987, isang nobela; Negros, 1988, isang aklat ng mga kwento, tula at sanaysay; at mga Daluyong, mga Unos sa Panahon ni Rolando Olalia, 1989. Gumawa rin siya ng dokumentaryo, 1983, at nagsagawa ng mga eksibit ng kanyang mga pininta noong 1982 at 1989. 
 
Dalawa sa kanyang aklat, ang Utos ng Hari at Tutubi, ang nanalo sa National Book Awards for Fiction mula sa Manila Critics Circle noong 1981 at 1987. Tumanggap rin siya ng maraming parangal mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Cultural Center of the Philippines at ng Surian ng Wikang Pambansa. Ang mga kwentong nanalo ng Palanca ay ang mga ss.: Isang Lumang Kwento, ikatlong parangal, 1973; Mula Kay Matandang Iskong Basahan, Mga Tagpi-tagping Ala-ala, Ikatlong parangal, 1975; Araw ng Buldozer at Dapithapon ng Isang Bangkang Papel sa Buhay ni Ato, ikalawang parangal, 1977; Utos ng Hari, ikatlong parangal, 1978; Mga kwentong Kapos , ikatlong parangal, 1979; Syeyring, ikalawang parangal, 1986.
Ang iba pa niyang nakatanggap ng Palanca ay: grand prize para sa kanyang nobelang Tutubi, 1982; ikatlong parangal para sa kanyang koleksyon ng tula; Syeyring at Iba pang Tula, 1986; pangalawang parangal naman sa sanaysay na Ilang Talang Luma Buhat sa Talaarawan ng Isang may Nunal sa Talampakan, 1980; ikatlong parangal sa Ilang tala..II, 1986. Ang kanyang dokumentaryong, Dumagat-Ibong Lagalag, ay nanalo sa Catholic Mass Media Awards. 
Dalawa sa kanyang mga tula ang nanalo ng parangal sa Talaang Ginto ng Surian: Ang Isang Tula Para sa'yo, 1976, at Paano Ba Humabi ng mga Pangarap?, 1987.(Galang, 1994, akin ang salin) Isinulat ni Jun Cruz Reyes ang Tutubi noong panahon ng martial law. 
 
Dahil dito ginamit niya ang tagpuan noon panahon ng batas militar. Totoong laganap noon ang kahirapan at aktibismo ang ilan pa ngang tauhan ay binatay sa kanyang karanasan sa panahong ito. Patunay dito ang kanyang nabanggit sa paunang salita na “ewan kung bakit ako inimbita ng militar... Tinandaan ko ang ikinilos at sinalita ng nagimbita sa akin. Salamat naman, nakabuo ako ng tauhan.”(Reyes, 1987) Dala rin ng panahon ang kanang naging kaparaan sa pagsulat. Sabi pa niya'y “panahon ng maraming bawal”(Reyes, 1987). Ang subject position naman ni Reyes sa nasabing akda ay nakabatay rin sa kanyang pananaw bilang bilang guro, manunulat at hindi kabilang sa elite. Napokus rin ang pagdedetalye sa Kamaynilaan (pailan-ilan rin naman sa Kabukiran) at ilang sitwasyon sa paaralan na kung saan puno siya ng karanasan.
 

No comments:

Post a Comment